Ano Ang Paniniwala Ng Pilipinas
ano ang paniniwala ng pilipinas
Answer:
Ang Pilipinas ay nababalot ng maraming pamahiin o mga paniniwala ng mga matatanda tungkol sa mga bagay-bagay na walang relasyon sa ating nakikita o ginagawa. Halos bawat okasyon sa buhay ng tao ay may kaakibat na pamahiin na dapat sundin upang swertihin at malayo sa kapahamakan. Ito ay mga paniniwala na walang basehan kung ito ay may katotohanan o pawang nagkataon lamang. Malaki ang naging impluwensiya ng mga pamahiin sa buhay ng mga Pilipino lalo na sa mga usapin sa buhay tulad ng kultura, emosyon, tagumpay at kabiguan. Ito ay isang kaugaliang namana sa ating mga ninuno na patuloy pa rin isinasagawa ng karamihan. Ayon pa rin sa mga nakakatanda, ang hindi pagsunod sa mga pamahiin ay nagdudulot ng kamalasan o ng kasawian. Ang sabi nga ng karamihan, wala namang mawawala kung susundin ang mga pamahiing ito at higit na mabuti na sumunod sa mga ito upang manatiling ligtas at magkaroon ng matiwasay na pamumuhay.
Ang mga pamahiin ay mga paniniwala sa mga bagay, pangyayari o mga gawain na may kaugnayan sa mga espesipikong kaugalian natin, ngunit wala itong basehan o lohikal na dahilan sa maaaring kalabasan nito. Ilan sa mga halimbawa ng pamahiin na nakalista dito ay posibleng pinaniniwalaan mo hanggang sa ngayon. Ilan dito ay ang mga paniniwala tungkol sa mga sanggol na ginawa ng aking nanay sa aming magkakapatid:
Ang paglalagay daw ng sinulid sa noo ng sanggol ay nakakatulong upang mawala ang sinok. Kahit anong sinulid ang gamitin pero mas mabisa kapag galing sa natastas na sinulid ng damit at binabasa ng laway tapos ilalagay sa noo ng sanggol.
Ang paggamit ng bigkis para hindi lumaki ang tiyan ng bata. Ang bigkis ay isang telang puti na ibinabalot sa tiyan ng bata. Nilalagyan ng bigkis ang bagong silang na sanggol upang lumubog ang nakausling pusod pagkatapos itong putulin.
Ang pag-ipit ng unang gupit na buhok sa libro o sa diksyunaryo upang tumalino ang sanggol. Ang sabi ng iba na kapag inilagay sa makapal na libro ang unang ginupit na buhok ay kakapal ang buhok at kapag sa diksyunaryo naman ang bata ay lalaking matalino. Siguro dahil ang diksyunaryo ay puno ng iba’t–ibang bokabularyo kaya maraming matututunan ang sanggol habang lumalaki.
Himasin ang ilong ng sanggol para tumangos. Ayon sa iba, dapat daw himasin at pisilin ang ilong ng sanggol sa pagkagising sa umaga upang tumangos ito. Ang karamihan kasi ng Pilipino ay ipinapanganak na pango o maliit ang ilong.
Huwag dapat batiin ang bata baka mausog. Pinaniniwalaan na kapag sumakit ang tiyan ng bata at walang tigil sa pag-iyak, ito ay nausog matapos batiin ng bisita. Kaya naman nakasanayan na ng mga Pilipino na magsabi ng “Puwera usog!” at pinapahiran ng laway ang tiyan ng bata para makaiwas sa pagkakasakit. Ang iba naman ay nilalagyan ng pulang lipstick ang noo ng sanggol upang hindi mausog/mabalis.
Sa kabilang dako naman ay ang ilang pamahiin para sa pagpapakasal o pag-aasawa:
Huwag ligpitin ang pinagkainan hangga’t hindi pa tapos ang lahat dahil ang maiiwang tao ay hindi makakapag-asawa.
Huwag kumain ng palipat-lipat ang puwesto dahil darami ang asawa.
Ang abay na babaeng makakasalo ng bulaklak ang susunod na ikakasal.
Hindi maaaring magkita ang ikakasal isang araw bago ang takdang araw ng pagpapakasal upang mas madama ang pagmamahalan at kasiyahan sa pagharap sa altar.
Hindi pwedeng magbiyahe ang bagong kasal dahil malapit sila sa disgrasya.
Ang paghahagis ng bigas sa bagong kasal ay nagdadala ng masaganang buhay sa mag-asawa.